Pamilya ni Aga Muhlach walang nilabag sa pagpapabakuna kontra COVID-19 ayon sa DILG
Hindi nalabag ang protocol sa prioritization sa pagbabakuna nang magpabakuna sa Muntinlupa City ang mag-anak ng aktor na si Aga Muhlach.
Pahayag ito ng Department of Interior and Local Government (DILG) matapos umani ng batikos ang pagbabakuna ng mag-asawang Aga Muhlach at Charlene Gonzales kasama ang dalawa nilang anak.
Ayon kay DILG Spokesperson Usec. Jonathan Malaya, kwalipikado ang mag-anak na mabakunahan base sa pinaiiral na protocols.
Ang pamilya ayon kay Malaya ay residente ng Muntinlupa at dumaan sa MUNCOVAC registration portal.
Nagsumite din aniya ng karampatang dokumento ang mag-anak kabilang ang medical certificates at clearance mula sa kanilang doktor na nagpapatunay na sila ay pawang mayroong comorbidities at pasok sa A3 category.
Naberipika din ng Muntinlupa City Health Office ang mga isinumiteng dokumento. (Dona Dominguez-Cargullo)