PNR Clark Phase 1 ng North South-Commuter Railway Project halos 50 percent nang kumpleto
Nagsagawa ng inspeksyon si Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade sa Bulacan segment ng PNR Clark Phase 1 Project.
Ang naturang railway system ay layong ikunekta ang Tutuban, Manila sa Malolos, Bulacan.
Kasama ni Sec. Tugade sa isinagawang inspeksyon sina Bulacan 4th District Representative Henry Villarica, Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, at Philippine National Railways (PNR) General Manager Junn Magno, upang personal na masaksihan ang progreso ng aktwal na konstruksyon ng PNR Clark Phase 1 sa Bulacan.
Bahagi ng mga isinagawang inspeksyon ang actual viewing of tracks sa area 7, detension basin ng 1 at 2, workshop, operation control building, at light repair shop sa Malanday depot.
Nagtungo din ang grupo sa inspection site ng launching girder, kung saan inilulunsad ang girder 2 na bahagi din ng konstruksyon ng proyekto.
Mula Malanday Depot at Meycauayan Depot, personal ding ininspeksyon ni Tugade ang construction yard ng Meycauyan sa Bulacan para sa presentasyon ng segment casting, kung saan inilahad ang mga target schedule at lokasyon sa pagkakabit ng mga susunod na girder.
Habang nasa inspeksyon, nabanggit ni Sec. Tugade na noong 1993 pa unang na-conceptualize ang NSCR project, at apat na beses na itong sinubukan maumpisahan bago ang aktwal na nasimulan ang konstruksyon ng proyekto.
Ang 38-km PNR Clark Phase 1, ay bahagi ng massive North South-Commuter Railway (NSCR) Project ng DOTr at ng PNR, na ngayon ay may 45.82% overall progress rate na.
Sa sandaling maging operational ang PNR Clark Phase 1, magiging 35 minuto na lamang ang biyahe ng ating mga kababayan mula Tutuban hanggang Malolos— isang malaking improvement mula sa kasalukuyang travel time na isang (1) oras at 30 minuto.
Humigit kumulang 7,500 na katao naman ang tinatayang mabibigyan ng trabaho habang isinasagawa ang konstruksyon ng proyekto, samantalang 2,000 trabaho naman ang inaasahan pang magbubukas oras na matapos at maging operational na nito.
Sa mismong construction yard, sinalubong si Sec. Art Tugade ng mga dating Overseas Filipino Workers (OFWs) na nabigyan ng pagkakataon na maging bahagi ng proyekto.