“Pagtaas ng presyo ng bilihin hindi na keri ng masa” – LAHAT MAY TAMA ni RICKY BROZAS
Sumisigaw ng cash subsidy sa gobyerno ang hanay ng mga manggagawa sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Iyan ay sa gitna pa naman ng pandemya na ating nararanasan sa kasalukuyan.
Sabi nga ng mga kapatid natin sa hanay ng LGBTQ (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer) Community, “di’ na keri” ng masa ang walang humpay na pagsirit ng halaga ng mga bilihin.
Siya nga pala ngayong buena manong araw ng Pebrero ay magmamahal na naman ng mahigit P2 ang kada kilo ang LPG o Liquified Petroleum Gas. “Mhay Gas Abelgas, ano ba itey!”, sambit ni Roda, ang baklang parlorista sa kanto ng Chino Roces at Mascardo sa Lungsod ng Makati. “Oh may gulay!” tugon naman ni Kiray, ang manikurista-na ang kinikita lamang sa porsiyentuhang maghapon na pagpasok sa parlor ay P300 hanggang P380.
Speaking of gulay, grabe ha-ang taas na talaga ng presyo. Bumili lang ako ng ampalaya, ‘di ko pa ginigisa napaitan agad ako! Paano ba naman P55 ang isang piraso. Diyos ko, mahigit P200 na ang kilo.
Sumatutal, kahit anong angal ng mga vaklush at sangkauhan na hirap na hirap na sa pagbabadyet ay wala naman talagang magagawa kundi ang umatungal na lamang. Alalahanin, deregulated po, ibig sabihin, wala tayong magagawa sa kumpas ng mga kompanya ng langis na siyang nagbebenta ng LPG kung sila man ay magtaas ng presyo.
Maging ang gobyerno ay hindi rin basta makapanghihimasok sa bentahan ng petrolyo, salig po iyan sa Implementing Rules and Regulation ng Republic Act 7489 o Oil industry deregulation act of 1998.
Bueno, ang presyo ng LPG, langis at iba pa ay ilan lamang sa nagpapahirap ngayon kay Roda at Kiray sampu ng mga katulad nilang kung ituring ang sarili ay “isang kahig, isang tuka”. Kung tutuusin masuwerte pa nga sila may siguradong kita sa maghapon, e pa’no pa kaya yung walang alam sa buhay kundi ang umatungal at maghapong tambay lang. Di na natin problema ‘yun.
Buti na lamang ay may katulad ng grupo ng Associated labor Union -Trade Union Congress of the Philippines (ALO-TUCP) na siyang nagtutulak ngayon para himukin ang gobyerno na magkaloob ng P5,000 cash subsidy sa mga pobreng manggagawa.
Hindi na po talaga kakayanin ng mga ordinaryong manggagawa, lalo na -ang mga tinapyasan ang oras ng trabaho dahil sa epekto ng pandemya sa negosyo na kanilang pinapasukan ang mataas na presyo ng mga bilihin para itawid sa gutom ang pamilya, araw-araw.
Sa kabilang dako, umaasa tayo sa positibong tugon ng pamahalaan sa hiling na subsidiya para kahit paano ay makaagapay sa pangangailangan ng hikahos na mga pamilya.
Sa wari ko ay sisikapin naman ng gobyerno na maibigay ang karampatang ayuda sa pamilya ng mga nasa hanay ng minimum wage earner lalo pa’t mahabagin naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Obrero. Opo, sa totoo lang may habag sa mga maralita ang pangulo pero siyempre kailangan din niya isa-alang-alang kung kakayanin ba ng kaban ng bayan ang hiling na suporta para sa mga manggagawa. Umasa tayo.
Sa mga minamahal nating kinatawan diyan sa Kongreso, nawa po ay bumalangkas kayo ng batas na aamiyenda sa Oil industry deregulation Act para hindi naman magmukhang walang paki ang gobyerno sa renda ng dambuhalang kumpanya ng langis. alam naman po ninyo na “nakadepende” rin sa presyo ng mga produktong petrolyo ang halaga ng ibang mga produkto at serbisyo sa Merkado at komersiyo. Kung patuloy na tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo pati na ang LPG at hindi kayo kikilos diyan sa kongreso, lahat tayo ay tatamaan.