Manila bay rehab sa gitna ng pandemya, tama nga ba? – LAHAT MAY TAMA

Manila bay rehab sa gitna ng pandemya, tama nga ba? – LAHAT MAY TAMA

Dinagsa ng mga usi (usisero at usisera) ang bagong bihis na bahagi ng Manila bay sa baywalk sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Maynila noong nakaraang linggo nang buksan ito sa publiko kasabay ng International Coastal cleanup day.

Nakamamangha nga naman ang ipinamalas ng Department of Environment and Natural Resources sa pagbabagong anyo sa bahagi na iyon ng Manila bay na sa hinagap ay hindi natin naisip na maari palang pagandahin at kaaya-aya.

Subalit, sa gitna nang pagsisikap ng DENR na i-rehabilitate ang Manila bay ay hindi maiwasan ang mga puna at patutsada ng mga kritiko ng administrasyon.

Isa sa mga pumuna sa proyekto ay si Vice President Leni Robredo.

Ayon sa bise presidente, wala sa tiyempo ang proyekto dahil nahaharap ang bansa sa krisis dulot ng pandemya.

Giit ni Robredo, sana ay ginamit na lamang ang pondo sa pagtugon ng gobyerno sa epekto ng COVID-19 sa mga Pilipino.

Insensitive o tila manhid kung ituring ni Robredo ang implementasyon ng proyekto lalot marami ang kasalukuyang nagugutom kasabay nang paulit-ulit na sinasabi ng gobyerno na wala nang pondo para ayudahan ang mga mahihirap.

Samantala, tulad ng masangsang na amoy ng Manila bay ay sumingaw naman ang umano’y korapsiyon sa pondo na ginamit para takpan ng dinurog na dolomite rock ang tinatayang 30,000 kilometro kuwadrado na bahagi ng dalampasigan at haba na 500 kilometro at lapad na 60 metro.

Sabi ni Terry Ridon, dating Kinatawan ng Kabataan Party-list, “overpriced” ang proyekto.

Kaagad naman buwelta si DENR Undersecretary Benny Antiporda sa paratang ni Ridon. Aniya, mali kasi ang kuwentada ni Ridon sa halaga ng proyekto.

Sabi ni Antiporda, hindi P778,000 per meter tulad ng inakala ni Ridon, sa halip ay P12,267 per meter lamang ang halaga nito na aniya ay “reasonable” na maituturing.

Pero teka, habang pilit na pinagaganda ang panlabas na anyo ng Manila bay ay nasira naman umano ang marine ecosystem sa southern town ng Alcoy sa lalawigan ng Cebu sanhi ng pagkuha ng dolomite rocks-ito ang ginamit na artipisyal na puting buhangin sa Manila bay project.

Nakakalungkot naman ang ulat ng
Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) na nagsabing nasira ang mga corals sa loob ng 500-meter area sa karagatan na sakop ng Barangay Pugalo. Sanhi umano ito ng kung tawagin ay heavy siltation dulot nang dinurog na dolomite na tumapon sa dagat habang ikinakarga sa bulk carrier vessels ng conveyor belts.

Ang Sad diba? bakit humantong sa ganire? Abay mali ata ang diskarte na habang pilit na pinagtatakpan ng DENR ang dumi sa Manila bay, sa kabilang banda ay may sinira namang corals at tinapyasan na kabundukan! batid naman siguro ng ahensya na daang taon ang kakailanganin para maibalik ang “naturalisa” ng sinirang kalikasan.

“Its so Ironic” ika nga sa Ingles na kung sino pa ang dapat nangangalaga sa kalikasan ay siya pa ngayong dahilan ng pagkasira nito. Di tuloy natin alam kung sino ba sa panig ng gobyerno at oposisyon ang tama? pero sa wari ko lahat tayong mga pilipino ay may tama sa isyung ito.

Marahil sa kanilang banda ay tama si VP Leni na sana ipinagpaliban muna ang proyekto para nailaan ang milyong pondo pandagdag sa COVID response ng pamahalaan lalot marami ang hikahos sa buhay matapos mawalan ng trabaho at hanapbuhay ang karamihan dahil sa umiiral na lockdowns.

Napapaisip din tayo kung trabaho nga ba ng DENR na pagandahin ang Manila bay o baka may iba pang ahensya na dapat nakatoka dito tulad ng DPWH at mga lokal na pamahalaan kung saan bumabaybay ang Manila bay.

Sa pangkalahatan kung pangangalanga ng kalikasan ang pag-uusapan dapat lahat tayo ay may pakialam.

Hindi rin sagot ang pawang puna lamang sa gobyerno kundi ang pagkilos ng bawat mamayan para itaguyod ang ligtas, maayos at kapaki-pakinabang na kapaligiran, hindi lamang sa kasalukuyan kundi maging sa susunod pang henerasyon.

Malupit kung maningil ang inang kalikasan, akma ang paksang ito sa ika-11 anibersaryo sa paggunita ng bagyong Ondoy noong 2009 kung saan mahigit 400 buhay ang nasawi nang lunurin sa baha ang buong Manila Manila at karatig lalawigan.

Bilyun-bilyong piso ang sinira ng kalamidad sa imprastraktura at agrikultura. Ang mga ganoong lupit ng delubyo ay naiibsan kung marunong tayong magmalasakit sa kalikasan, dahil kung hindi siguradong lahat tayo ay tatamaan. (END)

 

admin

admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *