DOH ipinayo ang online shopping ngayong Holiday season
Pinapayuhan ng Department of Health ang publiko na mag-video call na lamang at mag-online shopping ngayong Holiday season, upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ito ay kasunod ng mga naglabasang litrato at videos na kuha sa Divisoria sa Maynila nitong weekend, kung saan hindi na nasunod ang social distancing dahil sa siksikan ng mga tao.
Sa kanyang virtual press briefing, sinabi ni Health Usec at Spokesperson Ma. Rosario Vergeire na nakita nila ang mga litrato kung gaano kasikip sa Divisoria dahil sa dami ng mga mamimili.
Ayon kay Vergeire, batid ng DOH na sabik na sabik na ang mga tao na magtungo sa mall, mga pamilihan at kahalintulad ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Gayunman, naririyan pa rin aniya ang banta ng COVID-19.
Kung pupunta rin sa mga matataong lugar, naroroon pa rin ang panganib kahit pa naka-face mask o face shield.
Ani Vergeire, may iba namang paraan gaya nga ng video calls sa mga mahal sa buhay at online shopping na mas mababa ang tsansa na mahawa o makapanghawa ng COVID-19.
Patuloy naman ang paalala ng DOH sa mga tao na dapat ay mahigpit na sumunod sa public health standards, saan man sila tutungo ngayong Holiday season.