Batas na maglalatag ng regulasyon sa e-waste, ipinanawagan ng BAN Toxics
Patuloy ang pagtaas ng naitatalang e-waste sa Pilipinas mula sa 3.9 kilos per capita lamang noong 2019 patungo sa 4.7 kilos e-waste per capita noong 2022.
Ayon kay Jam Lorenzo, research and policy development officer ng grupong BAN Toxics, batay sa Global e-Waste Monitor 2024 ng United Nations lumitaw na ang Pilipinas ang isa sa top e-waste producers sa Southeast Asia.
Kabilang sa e-waste ang mga electrical at electronic equipment na mayroong plug o baterya.
Itinuturing ang mga ito bilang hazardous waste dahil nagtataglay ng toxic materials gaya ng mercury, lead, at brominated flame retardants.
Pangunahing uri ng e-waste sa Pilipinas ay ang mga consumer electronics gaya ng televisions, refrigerators, washing machines at mobile phones.
Ayon sa BAN Toxics, mahalagang magkaroon ng batas at mga programa para sa Extended Producer Responsibility (EPR) sa mga electronics kung saan ang mga produkto na mawawalan na ng bisa o hindi na magagamit ay dapat pananagutan ng mga manufacturers.
Dapat ding bigyan ng insentibo ang mga manufacturers na maglalabas ng eco-friendly design at gagamit ng mga materyales na mas madaling i-recycle at less toxic. (DDC)